Overseas voting sa 7 bansa posibleng suspendihin – Comelec

Overseas voting sa 7 bansa posibleng suspendihin – Comelec

April 7, 2022 @ 7:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Target ng Commission on Elections (Comelec) na suspindihin ang pagdaraos ng Mayo 9 elections sa pitong bansa na sumasaklaw sa apat na poste ng Pilipinas na mayroong 127 rehistradong botante.

Sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na ang Commission en banc ay posibleng magpasya na itigil ang overseas voting sa Baghdad para sa Iraq; Tripoli na sumasaklaw sa Algeria, Chad, Tunisia, at Libya; Afghanistan para sa Islamabad, at Ukraine para sa Warsaw.

“I think we will be declaring a suspension of election in certain areas,” ani Casquejo na siyang Commissioner-in-Charge for the Office for Overseas Voting (OFOV), sa isang press conference nitong Miyerkoles.

Sinabi ni Casquejo na ang pagboto sa Islamabad at Warsaw ay malaki ang posibilidad na masuspinde dahil sa ipinatutupad na repatriation doon.

“Ang OFOV ay naghihintay pa rin ng pormal na kumpirmasyon mula sa DFA-OVS (Department of Foreign Affairs-Overseas Voting Secretariat) tungkol sa kapasidad ng mga Post na magsagawa ng overseas voting para sa mga aktibong rehistradong botante sa ibang bansa,” dagdag pa ni Casquejo.

Dagdag pa ni Casquejo na pansamantalang sususpindihin ang pagboto sa Shanghai, China, pagkatapos ng pagpapataw ng lockdown dahil sa pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19). Mayroong mahigit 1,600 rehistradong botante sa nasabing lugar.

“Kapag tinanggal na ang lockdown, magpapatuloy tayo sa pagboto sa Shanghai,” paglilinaw naman niya.

Magsisimula ang overseas voting sa Abril 10 at tatakbo hanggang sa araw ng halalan sa Mayo 9 sa Pilipinas. Iboboto nila ang mga pambansang kandidato lamang o ang mga tumatakbo para sa mga posisyon ng presidente, bise-presidente, senador, at mga party-list groups.

Sa kabilang banda, sinabi ni Casquejo na nagpasa ang Comelec en Banc ng isang resolusyon na magbibigay-daan sa mga Filipino sa ibang bansa na bumoto sa mga Ph post maliban sa kung saan sila kasalukuyang nakarehistro.

Aniya, ang mga botante sa ibang bansa, na kailangang lumipat matapos na magsara ang  registration period sa ibang bansa o lugar na nasasakupan ng ibang post, ay maaaring bumoto kung ang nasabing post ay nagpapatupad ng personal voting.

Ang botante ay maaaring maghain ng Manifestation of Intent to Vote in Another Post (MIVAP) upang makalahok sa mga botohan.

Sinabi rin ng opisyal ng Comelec na ipatutupad nila ang two-way postage system para sa mga boboto gamit ang postal service.

Idinagdag niya na ang mga gumagamit ng nasabing sistema ay makakapagpadala pabalik ng kanilang mga balota pagkatapos nilang bumoto.

Batay sa datos ng Comelec, mayroong 1.7 milyong overseas absentee voters, kabilang ang 450,282 sa Asia Pacific. RNT