Oversupply ng gulay sa Pinas pinabulaanan ng DA

Oversupply ng gulay sa Pinas pinabulaanan ng DA

May 30, 2022 @ 1:45 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinabulaanan ng isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na may labis ang suplay ng carrots sa bansa, matapos kumalat ang isang larawan ng magsasakang binebenta nang bagsak-presyo ang ani niyang gulay sa Benguet nitong nakaraang linggo.

“Actually dalawa ang trucks nila…yung una nabenta nila nung araw nang magandang presyo, yung presyo nung araw na ‘yun ay P23-25 per kilo. Ngayon yung mga buyers naman na nanggaling ng Maynila ang gusto nila na yung bibilhin sa ganoong presyo yung maganda,” paliwanag ni DA-Cordillera Administrative Region (CAR) Director Cameron Odsey.

“So ibig sabihin, may mga di nabili. Yung kumbaga, pinagpilian. Yun namang pinagpilian, ay siyempre gusto ng farmer ay ibenta pa rin sa magandang presyo,” paglalahad pa ni Odsey.

Subalit problemado umano ang magsasaka dahil makalipas ang dalawang araw ay hindi pa rin niya naibenta ang kanyang mga produkto.

“’Yun daw natira na mga carrots ay ‘di na niya mabenta sa magandang presyo, at kailangan niya yung trak na yon para kumuha ulit ng mga produkto. So, nag-resort siya kumbaga sa social media para madispose agad-agad.”

Naubis naman ng magsasaka ang lahat ng mga carrots sa loob ng isang oras matapos itong mai-post sa Facebook.

Base kay Odsey, maganda ang bentahan ngayon ng gulay sa CAR.

“Nagtatambakan lang dito kung may mga halimbawa, yung bagyo ganoon. Pero ngayon na wala naman mga bagyo, ay tuloy-tuloy po yung production natin at maganda po relatively, ibig ko sabihin ay maganda in the sense na hindi naman masyado mababa, kumukita ang mga farmer,” sabi niya.

Patuloy din umano ang programa ng pamahalaan para ihatid ang mga inaning gulay ng mga magsasaka sa mas maraming konsyumer.

“Kung yung mga supply po dito sa ng mga gulay kasi yun namang mga nanggaling dito samin, itong mga highland vegetables, maganda po ang production lalo na itong mga buwan na wala namang mga typhoon kasi typhoon talagang nakakasira ng production,” aniya.

“Sa ngayon po, masasabi ko na ang production ng highland vegetables ay hindi po magkukulang,” patuloy pa niya. RNT/SA