OVP budget lusot agad sa House panel

OVP budget lusot agad sa House panel

September 14, 2022 @ 11:43 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Lusot agad sa House panel ang proposed budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2023.

Ito ay makalipas lamang ang pitong minuto nang wala nang kumwestyon dito.

Kasabay ng deliberasyon, tinapos na agad ni Minority Floor Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libmanan ang budget briefing para sa OVP budget bilang respeto kay Vice President Sara Duterte na personal na dumalo sa pagdinig.

Ayon kay Libanan, may ilang miyembro ng minorya na nais pa sanang magtanong tungkol sa budget ng OVP lalo na ang Makabayan bloc ngunit sa plenaryo na lamang nila ito inilabas bilang kortesiya kay Duterte.

Nagpasalamat naman ang liderato ng Malaking Kapulungan ng Kongreso sa ginawang pagdalaw ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.

“Salamat, Vice President Inday Sara Duterte, sa pagbisita dito sa amin sa Office of the Speaker. Malaking karangalan na makasama sa paglalakbay mo sa larangan ng serbisyo publiko,” banggit ni House Speker Martin Romualdez.

Aniya ang pagdalo ni Inday Sara sa pagdinig ng House Committee in Appropriations para depensahan at suportahan ang panukalang badyet ng Department of Education at ng Office of the Vice President ay pagpapakita ng tunay na liderato nito at pagmamahal sa kaniyang tanggapan.

“ You have exhibited once more your exemplary brand of leadership by showing up at the House Committee of Appropriations hearing to defend the budget of the Office of the Vice President (OVP) and the Department of Education (DepEd).”

Dahil dito nagbigay katiyakan si Romualdez ng buong suporta ng mga mambabatas na matugunan ang pondong kailangan ng mga tanggapang pinamumunuan ni Inday Sara para ipangtustos lalo na sa mga proyekto at programang kailangan para sa mamamayang Pilipino.

“ Umasa kayo na katulong ninyo kaming mga mambabatas sa 19th Congress sa paghahanap ng sapat na pondo para sa mga programa at proyekto ng OVP at DepEd Philippines na magpapataas ng kalidad ng pamumuhay ng mga kababayan nating Pilipino.” Meliza Maluntag