OVP iligal na nag-hire ng private lawyers para maging consultant-COA

OVP iligal na nag-hire ng private lawyers para maging consultant-COA

July 19, 2022 @ 8:56 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Audit (COA) na ilegal na kumuha ang Office of the Vice President (OVP) ng pribadong abogado bilang legal consultant.

Sa isang ulat sa 2021 budget na inilabas noong nakaraang linggo, sinabi ng mga auditor na ang hakbang noong huling taon ni Vice President Leni Robredo ay lumabag sa mga patakaran ng COA dahil ang OVP ay walang clearance mula sa COA at ng Solicitor General.

Idinagdag ng audit team na walang dahilan ang OVP na kumuha ng legal consultant dahil lumikha ito ng legal affairs division bilang bahagi ng pagsisikap nitong palakasin ang opisina.

“In view of the lack of written conformity and acquiescence of the solicitor general and the written concurrence of COA, and despite having legal officers, payments made to the legal consultant are considered irregular and unnecessary expenditures,” anang COA.

Sa depensa ng OVP, ang mga consultant ay nagtrabaho bilang policy adviser kumpara sa mga legal officer na gumagawa ng mga regular na legal service tulad ng pagbalangkas ng pagsusuri ng mga kontrata.

Sinabi rin ng OVP na humiling sila pero hindi inaksyunan ng Office of the President ang kanilang kahilingan kaya sinabi ng OVP na kailangan nitong gumamit ng consultancy arrangement.

Hindi naman tinanggap ng COA ang paliwanag ng OVP at sinabing ang mga suweldong ibinayad sa consultant mula Enero 2020 hanggang Hulyo 2021 ay hindi papayagan at ang mga nag-apruba ng mga pagbabayad ay dapat managot sa disallowance.

Naglabas ang COA ng notice of disallowance noong Abril 2022 na kasalukuyang nasa ilalim ng apela.

Nakatanggap ang OVP ng unqualified opinion sa loob ng apat na taon mula 2018-2021. Ito ang pinakamataas na audit rating na ibinigay sa isang ahensya ng gobyerno. RNT