OVP namigay ng 100 sako ng bigas sa Paeng victims sa Laguna

OVP namigay ng 100 sako ng bigas sa Paeng victims sa Laguna

November 2, 2022 @ 8:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Namahagi ng isang daan na sako ng bigas ang Office of the Vice President – Disaster Operation Center (OVP-DOC) sa mga biktima ng Severe Tropical Storm Paeng sa San Pedro, Laguna.

Sa ulat ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), mayroong 1,211 indibidwal ang tumutuloy sa anim na evacuation center sa naturang lungsod.

Ani CSWDO San Pedro, Laguna Head Maria Fatima Autor, plano ng lokal na pamahalaan na ibigay ang initial portion ng mga donasyon sa barangay Cuyab, San Roque at Landayan.

“Ito pong 100 sacks of rice na ito ay sisiguraduhin po ng ating city government, sa pangunguna ni Mayor Art Mercado, na makakarating po bawat butil niyan sa alam natin na nangangailangan at mga pamilyang nakababad pa hanggang ngayon ang kanilang mga bahay sa tubig,” pahayag ni Autor.

Nagpasalamat naman si San Pedro City Mayor Art Mercado sa OVP-DOC sa ipinaabot na tulong na kauna-unahan sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.

Pinangunahan naman ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Air Force (PAF) ang relief operations. RNT/JGC