P.6M pina-deposit sa bangko, kinupit ng empleyado

P.6M pina-deposit sa bangko, kinupit ng empleyado

July 20, 2022 @ 11:50 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang empleyado matapos na sa halip na ideposito sa bangko ang lagpas P600,000 pera ng kumpanya ay ibulsa ito sa Caloocan City.

Ibinalibag sa selda si Gerardo Caraballa, 49, ng Camarin, ng lungsod.

Nabatid, pumunta sa tanggapan ng pinapasukang kumpanya ang suspek sa Barangay 177 dakong 8 a.m. noong Lunes, Hulyo 18, kung saan ibinigay sa kanya ng isang katrabaho ang isang gray back pack na may lamang P630,000 cash na iniutos kay Caraballa na ideposito sa isang bangko sa Quezon City.

Umalis ang suspek at hindi nagtagal ay tumawag sa kumpanya at sinabing hinoldap siya at tinangay ang bag na naglalaman ng salapi.

Pumunta ang suspek at ang operations manager ng kumpanya sa Substation 11 ng Caloocan Police sa Sitio Maritik, Brgy. 175 upang iulat ang pangyayari, ngunit habang kinukwestyon ay natuklasan ng mga imbestigador na walang holdapang nangyari dahil naideposito ng suspek ang salapi ng kumpanya sa ibang mga bangko.

Ayon sa pulisya, hindi pa inaamin ni Caraballa, na haharap sa kasong qualified theft, kung saan niya itinago ang salapi at bag. Merly Iral