P1.37B iligal na droga, nakumpiska ng PDEA

P1.37B iligal na droga, nakumpiska ng PDEA

March 18, 2023 @ 3:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na burahin ang iligal na droga sa bansa, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasabat nito ang halos P1.37 bilyong halaga ng illegal substances sa magkakahiwalay na operasyon mula November 2022 hanggang February 2023.

Sinabi ng PDEA, ang pangunahing ahensya sa kampanya laban sa illegal drugs, na inilunsad ang mga operasyong ito alinsunod sa 3-point drug war approach ng Marcos administration: mapping and prevention, cure and enforcement, ayon sa Presidential Communications Operations nitong Biyernes.

Batay sa ulat na isinumite sa Malacañang, naglunsad ang mga operatiba ng PDEA, sa ilalim ni Director General Moro Virgilio Lazo, ng 405 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 728 drug personalities mula Nov. 21, 2022 hanggang Feb. 28, 2023.

Nakumpiska rin mula sa mga nasabing operasyon ang 177.21 kilo ng shabu o methamphetamine hydrochloride, 200.22 kilo ng dried leaves at bricks of marijuana, 565,160 piraso ng marijuana plants, 1,687 gramo ng cocaine at 16,782 tableta ng Ecstasy.

Sa parehong period, iniulat ng PDEA na may kabuuang 115 high-impact operations ang inilunsad, na bumuwag sa 79 drug dens, nagwasak sa 12 marijuana plantations at nagresulta sa 24 high-volume seizures.

Naaresto rin sa mga operasyon ang 548 high-value targets (HVTs). RNT/SA