P1.3B educational aid ng DSWD naipamahagi na

P1.3B educational aid ng DSWD naipamahagi na

September 25, 2022 @ 8:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development ang P1.3 bilyon sa P1.5 bilyon alokasyon sa educational assistance program sa mga indigent students.

Sa panayam ng DZBB kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez, natulungan ng ahensya ang nasa 560,000 mga estudyante lampas pa sa inaasahan nilang 400,000 estudyante.

Matatandaan na kahapon, Setyembre 24 ay huling araw ng pamamahagi ng pinansyal na tulong sa mga estudyanteng nangangailangan.

Dahil limitado lamang ang nabigyan ng nasabing ayuda, nagkaroon ng panawagan na kung pwede ay palawigin pa ang distribusyon nito.

Tugon naman ni Lopez sa naturang panawagan, nakadepende ito kung sapat pa o mayroon pang budget para rito.

“Pero kung wala na, ikinalulungkot namin na hanggang doon na lang,” aniya.

Matatandaan na namahagi ang DSWD ng financial assistance sa mga estudyante, P1,000 para sa elementary students, P2,000 sa high school students, P3,000 sa senior high school at P4,000 para sa mga estudyante sa kolehiyo. RNT/JGC