P1.3M marijuana nasabat sa city health job order employee

P1.3M marijuana nasabat sa city health job order employee

July 28, 2022 @ 12:30 PM 3 weeks ago


KIDAPAWAN CITY- Kulungan ang kinabagsakan ng isang lalaki na isang job order employee ng City Health Office Kidapawan City matapos mahulihan ng mga awtoridad ng marijuana sa ginawang operasyon Miyerkules sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Jude Paolo Javier, 25-anyos, na naka-assign sa City Health Office ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City.

Ayon kay Kidapawan City Chief of Police Lieutenant Colonel Peter Pinalgan, nakatanggap sila ng report na ginagawang sideline ni Javier ang pagbebenta ng illegal na droga .

Inilatag ang anti-drugs operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA-12) at pulisya laban sa suspek.

Nakuha sa suspek ang isang package na naglalaman ng mga dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,303,050.

Narekober rin sa suspek ang Vape cartridges at pinaniniwalaang marijuana oil.

Kasalukuyan nakakulong sa lock-up cell ng Kidapawan City PNP ang suspek at nahaharap sa kasong  paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Mary Anne Sapico