P1.3M shabu itinago sa massage device nasabat ng PDEA

P1.3M shabu itinago sa massage device nasabat ng PDEA

January 15, 2023 @ 9:31 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga awtoridad ang aabot sa P1.3 milyon halaga ng shabu na itinago sa isang kargamento na naglalaman ng massage device.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, ang parcel ay dinala ng isang 24-taong gulang na babae sa Dasmarinas, Cavite.

Tinanggap ng babae ang naturang package at doon na umakto ang mga awtoridad na arestuhin ito.

“Yung ating operatiba na nagpanggap na delivery man, hinanap yung tao, sa kanya nakapangalan… Eventually, ni-receive niya and that prompted our operatives and the arresting officer to arrest the person,” ani PDEA NAIA Supervisor Gerald Javier.

Nakuha ang 200 gramo ng shabu sa massage device na ipinadala mula sa South Africa.

Nauna nang nakita na illegal na droga nga ang laman nito makaraang dumaan sa X-ray machine at K9 dogs sa Ninoy Aquino International Airport
na nakumpirma sa pagsusuri ng PDEA.

Samantala, ipinaliwanag naman ng suspek na sa kanya lamang nakapangalan ang parcel pero para ito sa Nigerian national na naka-date niya.

Nakilala umano nito ang foreigner noong Nobyembre sa pamamagitan ng isang messaging app.

Iimbestigahan ng PDEA ang naturang impormasyon at makikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration kaugnay ng itinuturong Nigerian national. RNT/JGC