P1.3M shabu nakumpiska, 2 arestado

P1.3M shabu nakumpiska, 2 arestado

November 15, 2022 @ 8:28 AM 3 weeks ago


TAWI-TAWI- Mahigit P1.3  milyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation laban sa dalawang suspek iniulat kahapon sa probinsyang ito.

Kinilala ni Col. Richard Verceles, the Area Police Command-Western Mindanao operations chief, ang mga naarestong suspek na sina Ridzman Muzarin, 32; at Rohit Abubakar, 23.

Sa report ng Bongao-PNP, dakong alas-6:30 ng gabi nang madakip ang mga suspek sa Barangay Pag-Asa ng naturang bayan.

Nakabili ang operatiba sa mga suspek ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.00 at agad na pinosasan ang isa mga suspek matapos tanggapin ang marked money.

Narekober rin sa mga suspek ang 150 gramo ng hinihinalang shabu na aabot sa halagang P1,020,000, P1,000 marked money at P240 na pinaniniwalaan pinagbentahan ng iligal na droga.

Sinabi pa ni Verceles na ang isa sa dalawang suspek na nakaupo sa motorsiklo ay tinangkang tumakas ng makitang pinosasan ang kasamahan nito.

Pinaharurot nito ang motorsiklo subalit agad din naman siyang naharang ng mga pulis.

Kasalukuyan nasa kustodiya ng Bongao police ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico