P1.3M shabu nakumpiska sa 2 suspek

P1.3M shabu nakumpiska sa 2 suspek

December 14, 2022 @ 12:51 PM 2 months ago


PANGASINAN – Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mga awtoridad ng higit sa P1.3 milyon halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation kahapon ng madaling-araw, Disyembre 13 sa bayan ng Urdaneta.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina John Mark Dizon at John Carlo Sanyas, pawang nasa hustong gulang at taga Barangay Sto. Tomas, Bukid, Pasig City.

Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan, bandang 2:00 AM ng madakip ang mga suspek sa Barangay Nancayasan, Urdaneta City.

Ayon sa mga awtoridad itinuturing na high value target ang mga suspek at dumadayo pa sa ibang lugar para magbenta ng illegal na droga na nagmumula sa isang preso sa loob ng New Bilibid Prison.

Nakuha sa mga suspek ang nasa 200 gramo ng shabu na aabot sa halagang P1.3 milyon, mobile phone, isang motorsiklo, ilang identification card, at ang buy-bust money.

Sa ngayon ay hindi na muna pinangalanan ng mga awtoridad ang pinagkukunan ng suplay ng shabu ng mga suspek para sa gagawin imbestigasyon.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), at Section 26 (Conspiracy to Sell Dangerous Drugs), Article II ng RA 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang mga suspek. Mary Anne Sapico