P1.3M shabu nasabat sa buy-bust sa Caloocan; 2 tulak timbog

P1.3M shabu nasabat sa buy-bust sa Caloocan; 2 tulak timbog

July 16, 2022 @ 2:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines-  Umabot sa mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang bebot matapos maaresto sa buy-bust operation sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr ang naarestong mga suspek bilang si Myka Ofalsa, 28, at Jomel Mang, 32, kapwa ng Phase 4C, Package 7, Blk 61, Lot 20 Brgy. 176, ng lungsod.

Base sa report ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga ng mga suspek kaya isinailalim ang mga ito sa validation.

Nang positibo ang ulat, kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Gilmer Marinas, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ng buy-bust operation sa Blk 4 Lot 15 Neo Vista Homes Brgy. 171 dakong alas-11:50 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang apat heat sealed transparent plastic sachet at isang knot-tied transparent plastic bag na naglalaman lahat ng humigi’t kumulang 200 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P1,360,000, buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at 44 pirasong P1,000 boodle money, bamboo box, at digital weighing scale.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez