P1.3M tobats nasabat sa Taguig

P1.3M tobats nasabat sa Taguig

May 6, 2022 @ 6:30 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang high value individual (HVI) na nahulihan ng P1,360,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation, Huwebes ng gabi, Mayo 5.

Sa ulat ng Taguig City police kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Jimili Macaraeg ay kinilala ang inarestong suspek na si Akmad Sumlay y Sakilan, alyas Tukoy, 30, driver, residente ng Taguig City.

 

Base sa imbestigasyon ng Taguig City police, matagumpay na naisagawa ang operasyon laban kay Sumlay dakong alas 7:00 ng gabi sa kahabaan ng Roldan Street, Purok 2 Brgy. New Lower, Taguig City.

 

Nakumpiska mula sa suspek ang limang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tumitimbang ng mahigit-kumulang 200 gramo na nagkakahalaga ng ₱1,360,000; ₱1,000 piso at 39 pirasong P1,000 boodle money na ginamit sa buy-bust; maroon belt bag, at digital weighing scale.

“Lubos kong ikinakatuwa ang kasipagang ipinapakita ng ating mga kapulisan sapagkat sa kabila ng ating mahigpit na pagbabantay sa nalalapit na eleksiyon at seguridad ng bawat mamamayan, hindi parin ninyo kinakalimutan ang ating mahigpit na kampanya lalo na sa ilegal na droga na humantong muli sa pagkadakip ng isang High Value Individual (HVI) at pagkakumpiska ng milyong halaga ng illegal na droga,” ani Macaraeg.

 

Dagdag pa ni Macaraeg na ipagpapatuloy ng kanyang mga tauhan ang sinumpaang tungkulin upang labanan ang ilegal na droga, kriminalidad at terorismo. James I. Catapusan