P1.4B ismagel, pekeng yosi, nasabat ng BOC

P1.4B ismagel, pekeng yosi, nasabat ng BOC

March 14, 2023 @ 11:11 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasa P1.4 bilyong halaga ng mga ismagel at pekeng sigarilyo ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa isang bodega sa Indanan, Sulu.

Ayon sa BOC, nakatanggap ng impormasyon hinggil sa mga nasabing kontrabando ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) kaya’t agad na nag-isyu ng Letter of Authority si Customs Commissioner Bienvenido Rubio.

Nitong Marso 2, nagsagawa ng inspeksyon ang BOC kasama ang ilan pang operatiba sa isang warehouse kung saan natagpuan ang 18,533 master cases ng sari-saring imported na sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon, kabilang ang Bravo, New Far, BPBM, Billionaire, Cannon, Souvenir, Astro, Wilcon, New D’ Premier, B&E Ice, at Fort.

Dahil dito, maglalabas ng Warrant of Seizure and Detention ang District Collector ng Port of Zamboanga laban sa mga nasabing kontrabando dahil sa posibleng paglabag sa Executive Order No. 245, na kilala rin bilang “Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products,” National Tobacco Administration (NTA) Memorandum Circular No. 03, serye ng 2004; NTA Board Resolution No. 079-2005 kaugnay ng Sec. 1113 (f at Sec. 117 na may kaugnayan sa seksyon 1401 ng R.A. No. 10863 o kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ng 2016. JAY Reyes