P1.4B pondo para sa libreng sakay ikinatuwa ng LTFRB; programa aabot ng Disyembre 2022

P1.4B pondo para sa libreng sakay ikinatuwa ng LTFRB; programa aabot ng Disyembre 2022

August 17, 2022 @ 4:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ikinatuwa ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang naging anunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagri-release nito ng P1.4B na pondo para sa pagpapatuloy ng Libreng Sakay sa ilalim ng Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ngayong araw, ika-16 ng Agosto 2022.

“Natutuwa kami sa naging mabilis na aksyon ng DBM para maaprubahan ang P1.4B na pondo para sa pagpapatuloy ng Libreng Sakay. Ready to be disbursed na po ‘yan kaya makakaasa po ang ating mga kababayan na sumasakay sa EDSA Busway na dire-diretso po ang ating serbisyo hanggang Disyembre” ani LTFRB Chairman Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil.

Kaugnay nito sa isyu naman ng pay-out, nakabayad na ang LTFRB sa mga driver at operator sa EDSA Busway hanggang Week 15 (July 17-23) para sa weekly payout ng Service Contracting Program at sinisikap na mabayaran ang mga ito sa pinakamabilis na panahon upang hindi maantala ang pagbibigay serbisyo sa publiko. Sa ngayon, nasa dalawang linggo na lamang ang bayarin sa mga consortia dahil may kinakailangan pang mga beripikasyon bago mabayaran ang mga ito.

“Maraming salamat sa DBM dahil magpapatuloy ang libreng sakay sa EDSA Busway alinsunod sa kagustuhan ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Patuloy din po naming pinag-aaralan ang iba’t ibang paraan upang higit na mapabilis at mas kumportable ang biyahe ng ating mga pasahero,” sinabi pa ni Garafil. Santi Celario