P1.4M bayarin sa kuryente, ikinabigla ng pamilya

P1.4M bayarin sa kuryente, ikinabigla ng pamilya

September 17, 2022 @ 9:45 AM 2 weeks ago


PANGASINAN- Halos malaglag sa kanyang kinauupuan ang isang ginang sa sobrang pagkabigla nang makita ang kanyang electricity bill na ipinadala ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) na umabot sa P1,472,973, noong Lunes.

Ayon kay Menchie Marayag Antonio, nanlaki ang kanyang mga mata sa milyong halaga ng kanyang babayaran sa kuryente dahil ang binabayaran lamang nilang ay nasa P1,500 kada buwan.

“Siyempre iyong reaction ko unang-una, sobrang kinabahan din ako gawa ng, siyempre, ordinaryong tao lang po kami tapos biglang ganoon iyong makikita mo. Nagulat din po ako. Nagtaka ako kasi parang ang dami niyang numbers. Tapos ayun nga po, P1.4 million nga po,” sabi pa ni Antonio.

Agad na nagtungo sa tanggapan ng CENPELCO si Antonio para ireklamo ang nasabing halaga ng kanyang kuryente.

Aminado naman ang CENPELCO na may pagkakamali sa meter reading at humingi sila ng tawad sa pamilya Antonio at gagawa na lamang sila ng panibagong electric bill.

Sinabi pa ni CENPELCO general manager Rod Corpuz, na maaaring hindi napansin o hindi na-prompt ang meter reader kaya nagkaroon ng [error] sa pag-input ng number kaya nagkaroon ng pagkakamali.

Umapela naman si Antonio sa pamunuan ng CENPELCO na suriin muna nilang mabuti ang mga billing bago ito ipamahagi sa mga bahay-bahay. Mary Anne Sapico