P1.5B pekeng produkto, nasabat sa Pasay

P1.5B pekeng produkto, nasabat sa Pasay

February 21, 2023 @ 1:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tinatayang aabot sa P1.5 bilyon halaga ng iba’t ibang pekeng produkto ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa isang gusali sa Pasay City.

Nabatid sa BOC, bitbit ang Letters of Authority na inisyu ni Commissioner Bienvenido Rubio ay nagsagawa ng inspeksyon ang operatiba sa pangunguna ng Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Rights Division (CIIS-IPRD) sa storage facility na matatagpuan sa loob ng Building 127 sa kahabaan ng F. B. Harrison Street corner J. Fernando Street noong Pebrero 17.

Kabilang sa mga nadiskubreng pekeng produkto ay tulad ng may mga tatak na Gucci, Louis Vuitton, Nike, Adidas, Supreme, Tory Burch, Skechers, atbp. Nabatid na kasalukuyang iniimbentaryo ang mga nasamsam na pekeng produkto.

Ang raiding team, na kinabibilangan din ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay nangangailangan ng proof of payment para sa mga buwis sa lahat ng imported na produkto at proof of authenticity para sa mga branded na produkto.

Sa inisyal na report, mayroong humigit-kumulang 70 unit sa gusali na inuupahan at ginagamit bilang imbakan ng mga nasabing kontrabando.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para sa iba pang posibleng paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines at Customs Modernization and Tariff Act. JAY Reyes