P1.5M narra, nasabat sa checkpoint sa N. Vizcaya

P1.5M narra, nasabat sa checkpoint sa N. Vizcaya

February 7, 2023 @ 1:39 PM 2 months ago


NUEVA VIZCAYA- Tuluyan nang sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Code of the Philippines ang tsuper ng isang wing truck na may kargang narra na nagkakahalaga ng P1.5 milyon mula sa probinsya ng Apayao, na nasabat sa isang checkpoint sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya.

Ayon kay PMaj Jolly Villar, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), ang wing truck na galing sa lalawigan ng Apayo na papuntang Bulacan ay nasabat sa checkpoint sa Tactac, Sta. Fe, Nueva Vizcaya ng pinagsanib na pwersa ng Department of Environemnt and Natural Resources (DENR), Sta. Fe Police Station at 3rd Mobile Platoon ng 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC).

Lulan ng wing trck ang 3,000 board feet ng iba’t ibang sukat ng narra lumber.

Inamin ng tsuper ng truck na ang mga nilagaring narra ay galing sa lalawigan ng Apayao.

May mga escort na sasakyan ang wing truck ngunit nang mahuli ito sa checkpoint ay tumakas ang mga sumusunod na sasakyan.

Atubili umano ang tsuper na sabihin sa mga otoridad kung sino ang nagmamay-ari sa mga nilagareng narra na dadalhin sana sa Bulacan.

Inamin ni PMaj Villar na may nag-tip sa kanila kaya hinuli sa checkpoint ang wing truck na naglalaman ng mga nilagareng narra.

Sasampahan din ang tsuper ng wing truck ng paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation Code of the Philippines dahil natuklasan nila na tinanggal ang orihinal nitong plaka at pinalitan ng iba.

Ang mga nasabat na narra lumber ay naka-impound na sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Aritao, Nueva Vizcaya habang ang tsuper ng wing truck ay nasa kustodiya ngayon ng Sta. Fe Police Station.

Ito na ang ikalawang malaking volume ng mga nilagareng kahoy na nasamsam sa lalawigan ng Nueva Vizcaya dahil noong nakaraang taon ay may nakumpiska ng awtoridad sa bayan ng Aritao na maraming nilagaring kahoy na mahigit P1 milyon din ang halaga. Rey Velasco