P1.5M nilimas sa bahay ng negosyante ng mga kawatan

P1.5M nilimas sa bahay ng negosyante ng mga kawatan

October 21, 2022 @ 12:38 PM 2 months ago


CORDON, ISABELA-Halos umaabot umano sa P1.5M halaga ng mga alahas, mga gamit at cash na nasa kalahating milyong piso ang nilimas ng mga kawatan na akyat bahay sa compound ng isang negosyante sa Brgy. Malapat, Cordon, Isabela.

Hanggang sa ngayon ay tinutugis parin  ngayon ng mga tauhan ni PMaj. Fernando Malillin, hepe ng Cordon Police Station ang dalawang lalake na siyang responsable sa panloloob sa tahanan ng negosyanteng si Imelda Trajano na nasa tamang edad at residente sa naturang lugar.

Ayon sa biktima, nasa mahigit limang daan pisong cash at  mga alahas at ibat ibang mga gamit kabilang ang tatlong mamahaling cellphone at isang 9mm Taurus 380  na baril ang matagumpay na natangay ng mga suspek sa bahay ng naturang negosyante.

Dakong alas 3:00 ng madaling araw nang pasukin ng dalawang di pa nakikilalang salarin ang compound ng biktima gamit ang isang hagdan.

Base sa salaysay ng biktima , nakapasok ang mga kawatan sa  bintana ng kanilang bahay armado ng patalim kung kayat hindi sila nakapalag matapos talian ang kanyang mga kamay at paa kung kayat malaya ang dalawa na maisakatuparan ang kanilang maitim na balak.

Pasabo alas 6:00 na ng umaga kanina nang dumulog ang ginang sa himpilan ng pulisya upang ipaalam ang naturang insidente.

Ayon kay PMaj. Malillin, tinitignang anggulo sa krimen ang  isang ” inside job” kung saan itinuturong suspek ang mismong guwardya sa bahay ng pamilya Trajano na tila walang ginawa nang mangyari ang panloloob base sa kuha ng CCTV..

Pansamantala inimbitahan ang hindi muna pinangalanan gwardya na nasa himpilan ng pulisya para sa mas malalimang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente. Rey Velasco