P1.6M shabu nasamsam sa drug ops

P1.6M shabu nasamsam sa drug ops

November 28, 2022 @ 8:52 AM 2 months ago


MANILA- Umabot sa P1.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang anti-illegal drug operations noong Sabado sa Bataan, Oriental Mindoro at Cebu.

Sa pinagsamang operasyon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP, nakumpiska ang P731,200 halaga ng iligal na droga sa isang lalaki sa Barangay Gabon, Abucay, Bataan.

Ayon sa pulisya, nasa “high-value target,” ang suspek at minanmanan ito simula pa noong Setyembre matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa pagtutulak nito ng droga sa nasabing barangay.

Sa Oriental Mindoro naman nadakip ng mga operatiba ng PDEA-Mimaropa ang suspek na si Louie Miraflores Ereve, at nakuhanan ng P325,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Pola.

Sinabi pa ng mga awtoridad na dating nagtatrabaho ang suspek sa Pola municipal disaster office subalit sinibak ito at nagtrabaho sa ibang lugar.

Pumupunta ang suspek sa nabanggit na lugar para magbenta ng iligal na droga.

Habang sa Talisay City, Cebu, naman nadakip ng mga pulis ang babaeng suspek at nakuhanan ito ng higit sa P578,000 halaga ng shabu.

Ayon kay Lt. Col. Randy Caballes, hepe ng Talisay City Police Station, nadakip na rin ang suspek noong 2017 sa kaparehong kaso.

Nakalabas ito ng kulungan noong December 2019 sa pamamagitan ng plea bargaining ngunit sa halip na magbagong buhay ay bumalik pa rin ito sa pagbebenta ng shabu.

Sinabi ng suspek na kinukuha nito ang suplay ng shabu sa isang nagngangalang Keir na kasalukuyan nakakulong sa Cebu City Jail.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. Mary Anne Sapico