P1.7M shabu nasabat sa 2 Nigerian sa Angeles City

P1.7M shabu nasabat sa 2 Nigerian sa Angeles City

January 28, 2023 @ 4:48 PM 2 months ago


ANGELES CITY- Nahulihan ang dalawang Nigerian ng halos P1.7 milyong halaga ng shabu (crystal meth) matapos maaresto sa buy-bust operation sa lugar, nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ng Police Regional Office 3 ang hinihinalang drug peddlers na sina Chekwbe Nnamani Sunday, alyas “David,” 28 at residente malapit sa Mabalacat City; at Ifeanyi Augustine Chinweuba, alyas “Fanny,” 33, na naninirahan sa Sampaloc, Manila.

Sinabi ni Central Luzon police director Brigadier General Cesar Pasiwen na naaresto ang dalawa nang tinangkang magbenta ng iligal na droga sa undercover police officers sa transport terminal ng isang mall malapit sa city hall sa Pulung Maragul village dakong alas-12:10 ng madaling araw.

Nasamsam umano ng mga pulis mula sa mga suspe ang dalawang rubber-tied plastic bags, dalawang medium-size heat-sealed transparent plastic sachets na parehong naglalaman ng shabu na may pinagsamang bigat na halos 250 gramo at may street value na P1.7 milyon.

Narekober din ng mga operatiba ang marked P1,000 na nakapatong sa siyam na piraso ng “boodle” money (play money) na ginamit sa sting operation.

Sinabi ni Pasiwen na nagsasagawa na ng mas malalim na imbestigasyon para matukoy kung may kaugnayan ang mga suspek sa West African Drug Syndicate (WADS).

“We will continue to conduct intelligence operations on drug dealers and users, both foreign and local to eliminate the supply of illegal drugs across the region,” dagdag niya.

Nahaharap ang Nigerians sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA