P1.8B asukal, iba pang kalakal nasabat ng BOC sa Batangas

P1.8B asukal, iba pang kalakal nasabat ng BOC sa Batangas

September 5, 2022 @ 5:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasa P1.8 bilyong halaga ng iba’t ibang klase ng kalakal, kabilang ang lokal at imported na mga asukal, ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang sorpresang inspeksyon sa isang bodega sa Batangas.

Ayon sa BOC, bitbit ang Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) ay nagsagawa ng inspeksyon ang mga awtoridad sa isang bodega na matatagpuan sa loob ng Central Asucarera Don Pedro sa Barangay Lumbangan, Nasugbu nitong Linggo.

Nadiskubre nila ang tinatayang 181,299 na sako ng imported na MITR PHOL brand na pure refined sugar mula sa Thailand at 197,590 sako ng lokal na Don Pedro white sugar. Ang bawat sako ay naglalaman ng 50 kilo ng asukal.

Nabatid sa BOC na isa sa mga pinakamalaking operasyon ng ahensiya ang isinagawa nilang inspeksyon sa nasabing lugar mula nang magsimula ang mga ito sa paginspeksyon sa mga pasilidad ng imbakan ng asukal noong Agosto.

Nagsagawa naman ng imbentaryo sa mga imported na paninda at asukal na makikita sa bodega ng mga nakatalagang Customs examiners na sinaksihan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), at mga kinatawan ng warehouse.

Pansamantalang ikinandado, sinelyuhan at nilagyan ng tape ang nasabing bodega upang siguraduhin na walang makakapasok at makakalabas dito. JAY Reyes