P1.9M gamit pansaka, ipinamahagi sa Bataan

P1.9M gamit pansaka, ipinamahagi sa Bataan

January 25, 2022 @ 8:04 AM 8 months ago


BATAAN – Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Batangas ng P1.9 milyong halaga ng mga makinarya at kagamitang pangsaka, agri-inputs sa apat (4) Agrarian Reform beneficiaries Organizations (ARBOs) upang maitaas at maiangat ang antas ng kabuhayan ng 167 agrarian reform beneficiaries (ARBs) at 80 hindi ARBs sa lalawigang ito.

Sinabi ni DAR-Bataan provincial agrarian reform program officer II Engr. Emmanuel G. Aguinaldo ang inisyatiba ay bahagi ng proyektong major crop-based block farm productivity enhancement sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) at Sustainable Livelihood Disaster Affected Area (SLDAA) ng DAR.

Isiniwalat niya na ang FME na may kabuuang halaga na Php1.750 milyon ay iginawad sa Pantingan Farmers and Plant Nursery Agrarian Reform Cooperative, Barangay Quinawan Agriculture Cooperative, Mambog Farmers Association and Organic Farmers Association of Abucay.

“Ang kagawaran ay nagkaloob ng isang (1) yunit- 4-wheel drive tractor 35-40HP (Kubota brand), 1 yunit- hand tractor na may kumpletong gamit, 7HP diesel engine, cage wheel, disc plow, rubber tire combtooth at trailer, 1 yunit ng generator, 2 yunit – diesel 2×2 engine, 2 yunit ng four-stroke grass cutter, 1 yunit- power sprayer na may 100m hose, 1 yunit- steel chainsaw na may standard guide bar 20,” ani Aguinaldo.

Ayon kay Aguinaldo aniya ang mga makinaryang pangbukid na ito ay malaking tulong lalo na sa panahon ng pandemiya dahil mapapahusay at maipagpapatuloy nito ang pagsasaka ng mga ARBs.

“Ang SLDAA agri inputs na nagkakahalaga ng Php 100,000.00, ay ipinamahagi din sa tatlong (3) ARBOs, partikular sa Barangay Quinawan Agriculture Cooperative, Mambog Farmers Association at Organic Farmers Association of Abucay,” dagdag niya.

Kaugnay nito ipinahayag ni Aguinaldo na ang bawat ARBO ay tumanggap ng iba’t ibang binhi tulad ng 10 pakete ng siling panigang, 5 pakete ng talong, 16 pakete ng sitaw, 7 pakete ng kalabasa, 7 pakete ng upo,18 piraso ng seedling tray, 4 na rolyo ng plastic mulch, 10 piraso ng trelling twine, 116.67 kilo ng 16-20-0 ammonia phosphate, 116.67 kilo ng 14-14-14 complete fertilizer, 116.67 kilo ng 0-0-60 muriate of phosphate, 4 pakete ng fungicide, 2 litro ng insecticide at 1 lito ng foliar.

Samantala nagpahayag naman si Dante Torres , Chairman ng Pantingan Farmers and Plant Nursery Agrarian Reform Coop. ng kanyang pasasalamat sa kagawaran sa ngalan ng kanilang asosasyon dahil sa pagsisikap na tulungan ang mga magsasaka at ARBs sa kabila ng lahat ng mga hadlang na dala ng pandemya.

Ang programang SLSDAA naman ay naglalayong bumuo ng alternatibong kabuhayan o pagpapanumbalik at rehabilitasyon ng kasalukuyang kabuhayan na naapektuhan ng mga epekto ng pagbabago ng klima. Santi Celario