P1-M ayuda ibinigay sa mga sumukong NPA

P1-M ayuda ibinigay sa mga sumukong NPA

October 21, 2022 @ 11:39 AM 1 month ago


ZAMBOANGA CITY – BINIGYAN ng Department of Labor and Employment–Zamboanga Peninsula (DOLE-9) ng higit P1 milyong start-up capital ang grupo ng mga dating New People’s Army (NPA) para sa kanilang pagsisimula ng kanilang negosyo.

Ayon kay Atty. Roy Buenafe, DOLE regional director, ang naturang tulong pinansyal ay bahagi ng Integrated Livelihood Program (DILP) Group Project ng DOLE na inilaan pondo para sa 51 dating rebelde.

Sinabi ni Buenafe na nagpapatakbo na ngayon ang mga dating rebelde ng canteen at spa sa pamamagitan ng Lindongan Farmers Beneficiaries Multi-Purpose Cooperative, na isang DOLE-accredited at partner cooperative.

Siniguro naman ni Buenafe na nakahanda ang kanilang tanggapan na tumulong sa lahat ng mga nangangailangan.

Samantala, pinasalamatan naman ni Lt. Col. Terence Ylanan, Army’s 53rd Infantry Battalion (IB) commander, ang DOLE at sa partner nitong kooperatiba sa kanilang pagtitiwala at ipinagkaloob sa mga dating rebelde ang tulong pangkabuhayan.

“Ito (financial assistance) ay malaking tulong sa ating mga FR (former rebels) ngayong inuuna natin ang kanilang paglipat sa mainstream society. Kami sa 53IB at aming mga FR ay lubos na nagpapasalamat sa pagsusumikap na ito sa pagpapanatili,” ani Ylanan.

Aniya, ang mga benepisyaryo ay ang mga sumuko sa 53IB noong mga nakaraang buwan at muling naisama sa komunidad bilang mga produktibong mamamayan.

Ang DOLE-9 ay patuloy na katuwang ng 53IB sa mga programa para sa mga FR na kinabibilangan ng Tulong Panghanapbuhay sa mga Disadvantaged/Displaced Workers, Government Internship Program, at DILP, at iba pa./Mary Anne Sapico