P10.5B smuggled products nasabat ng BOC

P10.5B smuggled products nasabat ng BOC

August 3, 2018 @ 5:50 PM 4 years ago


 

Quezon City – Nasabat sa isinagawang pagsalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang 10.5 bilyong pisong smuggled at mga pekeng produkto sa mga  bodega sa Quezon City ngayong hapon.

Kabilang sa mga nasabat ang mga pekeng tax stamps na nagkakahalaga ng P8.5 bilyon habang umabot naman sa halagang 2 bilyong piso mga smuggled na sigarilyo mga pekeng bag ,ukay-ukay na damit, hikaw, sapatos at sako-sakong bigas sa tatlong bodega sa isang compound sa Marvex Drive kanto A. Bonifacio Ave., Balingasa, Quezon City.

Ayon Commissioner Isidro Lapeña, isinailalim sa tatlong linggong surveillance ang bodega at nang matiyak na positibo sa mga smuggled products ang mga bodega ay saka naglabas ng letter of authority to inspect.

Anang opisyal, nag-ugat ang kanilang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa nasabing mga puslit at pekeng produkto.

Malinaw naman umanong paglabag sa Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines at sa provision ng Customs Modernization and Tariff Act ang pagpasok ng mga smuggled products sa bansa.

Wala namang naarestong owner ng tatlong bodega na salakayin ng BOC gayunman, binigyan naman sila ng 15 araw upang magpaliwanag at makapagbigay ng kaukulang dokumento sa mga nasabat na pekeng produkto. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)