P1,000 multa para sa ‘speeding’ kasado sa Roxas Boulevard

P1,000 multa para sa ‘speeding’ kasado sa Roxas Boulevard

September 17, 2022 @ 1:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Kahit na walang abiso sa publiko, sinimulan ng Metropolitan Manila Development Authority ang pagsita sa mga motorista sa paglabag sa 60-kilometer per hour speed na inanunsyo noong Abril 2019, subalit hindi mahigpit na naipatutupad.

Sa kahabaan ng Roxas Boulevard, walang road signs na nagpapaalala sa mga motorista na mayroong speed limit na 60 kilometers per hour.

Ikinasa ang P1,000 multa bukod sa ibinibigay na traffic citation ticket at pwedeng bayaran ang multa sa Bayad Centers.

Tumaas ang bilang ng apprehensions sa pagmamaneho nang mas mabilis sa 60 kph kasunod ng order ng Supreme Court na suspindehin ang kontrobersyal na no-contact apprehension program (NCAP), kung saan nakakolekta ang MMDA at ilang local government units sa Metro Manila ng limpak na multa kahit sa minor o malabong traffic infractions.

Ilang motorista naman ang nagreklamo na matapos ang mahigit dalawang taon ng hindi pagkakasa ng speed limit, dapat muna umanong magsagawa ang MMDA ng public information campaign at maglagay ng road signs sa kahabaan ng Roxas Boulevard bago muling buhayin ang scheme.

Magugunitang inanunsyo ng MMDA noong Abril 5, 2019 na magpapatupad ito ng 60-kph speed limit sa kahabaan ng major roads sa Metro Manila. Kinakailangang sumunod ng mga bus at truck sa speed limit na 50 kph.

Kasado naman sa MMDA Regulation No. 19-001, na epektibo noong Abril 9, 2019, ang multang P1,000 sa paglabag sa speed limit.

Naobserbahan naman ng mga motorista na dahil sa pandemic lockdowns, hindi umiiral ang speed limits maliban sa kahabaan ng Commonwealth at EDSA.

Matapos ang COVID mobility restrictions, nagkaroon ng NCAP, na sinuspinde naman ng Supreme Court sa gitna ng reklamo sa arbitrary fines na aabot ng P5,000 kahit na malabo ang violations at traffic rules at kulang sa clear road signs. RNT/SA