P10,000 cash aid sa namamalimos na IPs sa NCR, target ng DSWD

P10,000 cash aid sa namamalimos na IPs sa NCR, target ng DSWD

November 22, 2022 @ 7:49 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mabigyan ng isang beses na cash assistance na P10,000 ang mga pamilya ng mga katutubo o Indegenous People (IPs) na ililigtas sa Metro Manila upang pigilan silang mamalimos sa lansangan.

Sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na nakatutok ang ahensya sa pagliligtas sa mga grupo ng Aetas at Badjao sa National Capital Region na dumaraming namamalimos tuwing holiday season.

“Inuuna lang po natin itong mga Badjao at Aeta para hindi sila mapabalik. Dahil nga po marami na ring nagrereklamong mga kababayan natin, medyo masakit po sa mata. Nakakahiya rin po sa mga bisita natin,” ani Tulfo.

“Bago po natin papauwiin, bibigyan natin sila ng mga ayuda na P10,000 bawat pamilya. Para ‘yun po ang gamitin nila bilang pangkabuhayan nila,” dagdag pa niya.

Ayon kay Tulfo, iniimbestigahan ng ahensya kung ang mga IP ay ginagamit ng mga sindikato.

Sinabi ni Tulfo na ang mga nasagip na indibidwal ay susuriin upang matukoy kung sila ay karapat-dapat para sa tulong pinansyal. RNT