P100K damo, bato nasamsam sa 2 durugista

P100K damo, bato nasamsam sa 2 durugista

March 11, 2022 @ 1:20 PM 4 months ago


NUEVA VIZCAYA-Umaabot sa mahigit P100,000 halaga ng marijuana  at shabu ang nasamsam ng otoridad sa dalawang tulak sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa By-pass Road, Purok 5, Barangay Bonfal East, Bayombong dito sa nasabing lalawigan.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Jesus Ventura kay PCol. Ranser Evasco, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office  o NVPPO ang nahuli ay kinilalang si Patrick Medecielo, 25 anyos, traysikel drayber at si Reynald John Carlo Ponchinlan, 22 anyos kabilang sa listahan ng mga High Value Target o HVT ng PDEA at PNP na  kapwa residente ng naturang lugar.

Sa panayam ng REMATE kay PCol. Evasco, naaresto ang dalawa matapos pagbentahan ng isang pakete ng humigit kumulang 0.16 na gramo ng “shabu” sa isang operatiba na nagpanggap na poseur buyer kapalit ang isanlibong piso.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ni Medicielo ang isang transparent ziplock na naglalaman ng 700 na gramo ng pinatuyong dahon, tangkay at buto ng “marijuana” na nagkakahalaga ng  Php84,000.00.

Samantala, nakumpiska naman mula kay Ponchinlan ang anim na pakete ng hinihinalang “Shabu” na halos 5 gramo ang timbang at may market value na Php 34,000.00.

Kabilang rin sa mga narekober sa mga suspek ay ang ilang drug paraphernalia; personal na kagamitan; Identification Cards at mahigit apat na libong pisong pinaniniwalaang kita mula sa kanilang mga ilegal na transaksyon.

Agad isinailalim sa Inquest Proceeding sa kasong paglabag ng Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco