P100K pabuya alok sa magngunguso sa sikistang pumatay sa rider sa Bulacan

P100K pabuya alok sa magngunguso sa sikistang pumatay sa rider sa Bulacan

November 18, 2022 @ 6:16 PM 2 weeks ago


Bulacan – Nasa P100,000 pabuya ang inilaan ng alkalde sa makakapagbigay ng impormasyon para tuluyang mahuli ang siklistang bumaril at nakapatay sa motorcycle rider sa bayan ng Norzagaray.

Sa isang Facebook post kamakailan ni Norzagaray Mayor Merlyn Germar, kinilala ang wanted na si Michael Torrazo, 42, na suspek sa pagpatay kay Jonh Paul Benedict Cruz, 22, residente ng Brgy. Poblacion.

Ayon sa impormasyon, si Torrazo ay huling nakita sa lalawigan at may nakapagsabing nakita rin ito sa Antipolo, Rizal.

Napagalaman sa report ng pulisya na si Torrazo na lulan ng mountain bike ay nakabanggaan ang biktimang lulan ng Yamaha Aerox bandang 10:20 ng gabi noong Nobyembre 7 sa Villarama road, Brgy. Poblacion.

Dahil dito, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot umano ng baril ang suspek at walang kaabog-abog na binaril ang rider.

Tinamaan ang biktima sa kaliwang pisngi na agarang ikinamatay nito habang ang siklistang suspek ay mabilis na tumakas sa direksyon pa- timog.

Sinasabing isang saksi na nagngangalang Vilma ang unang nakaalitan ng suspek bago nito nakabaanggaan ang rider ang nagbigay ng salaysay sa pulisya nangyari.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad para mapanagot ito sa batas at makamtam ang hustisya ng biktimang rider. Dick Mirasol III