P100K sound equipment ng simbahan, tinangay ng kawatan!

P100K sound equipment ng simbahan, tinangay ng kawatan!

September 12, 2022 @ 11:56 AM 2 weeks ago


PAMPANGA- Hindi pinalampas ng mga kawatan ang simbahan matapos tangayin ang higit sa P100,000 sound system equipment nitong Sabado sa San Rafael Arkanghel parish church, Barangay Mabiga, sa bayan ng Mabalacat.

Batay sa report ng Mabalacat-PNP, madaling araw ng Sabado nadiskubre ng caretaker ng naturang simbahan na nawawala ang kanilang mga sound system equipment na kinabibilangan ng Yamaha amplifier, mixer, at wireless microphone.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, walang nakitang bakas na puwersahang pumasok ang mga suspek at posibleng nakapasok ang mga ito ng mapansin na bukas ang pinto patungo sa music instrument area ng simbahan.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran ikadarakip sa mga ito.

Sa kabilang kakulangan ng kagamitan, tuloy pa rin ang misa kahapon (Linggo) sa nabanggit na simbahan sa tulong ng isang taong nagmagandang-loob para maglagay ng audio system. Mary Anne Sapico