P100M imported na bawang, sibuyas nadiskubre ng BOC

P100M imported na bawang, sibuyas nadiskubre ng BOC

February 18, 2023 @ 11:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P100 milyon halaga ng mga imported na produktong pang-agrikultura ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang inspeksyon sa Maynila at Malabon.

Ayon sa BOC, nagsagawa ng sorpresang inspeksyon ang pinagsanib na pwersa ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) sa pangunguna ni Chief Alvin Enciso, Criminal Investigation and Detection Group, at Philippine Coast Guard sa ilang bodega at storage facility sa Maynila at Malabon.

Sa ginanap na inspeksyon, libo-libong kilo ng mga imported na sibuyas, bawang, at mung beans ang natagpuang nakaimbak.

Nabatid sa BOC na sasailalim sa masusing pagsisiyasat ang mga nasabing imported na produktong agrikultura upang matukoy kung ang mga ito legal na na-import o hindi. JAY Reyes