P100M jackpot sa Ultra Lotto solong napanalunan ng taga-Quezon!

P100M jackpot sa Ultra Lotto solong napanalunan ng taga-Quezon!

May 25, 2022 @ 8:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang mananaya mula sa lalawigan ng Quezon ang nakasungkit ng jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58 sa katatapos na draw kagabi.

Sa kalatas na inilabas ng ahensya nahulaan ng solo winner ang winning combination na 20-22-09-54-06-19 na may katumbas na premyong ₱100,064,568.

Ayon sa PCSO, ang ticket ay nabili sa isang outlet sa Gen. Luna sa nasambit na lalawigan.

Nasa 29 naman na indibidwal ang makakapag-uwi ng tig-P120,000.00 makaraang makakuha ng lima sa anim na kombinasyon.

Makakatanggap naman ang selling agent ng isang porsyento ng nabanggit na premyo.

Ang napanalunang premyo ay bubuwisan ng 20 porsyento alinsunod na rin sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Pinayuhan naman ang nanalo na magtungo na lamang sa PCSO Main Office sa Mandaluyong at dalhin ang winning ticket at dalawang valid identification (ID) cards upang tanggapin ang premyo. Toto Nabaja