P102.8M iligal na droga nasabat sa Cebu City ops; P2.7M sa Luzon – PNP

P102.8M iligal na droga nasabat sa Cebu City ops; P2.7M sa Luzon – PNP

April 25, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sa isinagawang anti-drug operations sa Cebu City, nakumpiska ang P102.8 milyong halaga ng iligal na droga, habang dalawang operasyon naman sa Luzon ang nagresulta sa pagkakasamsam sa P2.7 milyong shabu o crystal meth at marijuana, ayon sa Philippine National Police.

Iniulay ng PNP Public Information Office (PNP-PIO) nitong Lunes na nasabat ang 15.1 kilo ng shabu sa serye ng buy-bust operations nitong Sabado sa Cebu City– ang pinakamalaking operasyon kung saan naaresto si John Vincent Camion, 24-anyos.

Nasamsam ng mga operatiba mula sa Cebu City Police at sa Police Regional Office – 7 (PRO-7) anti-drug and intelligence units kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 10 kilo mula kay Camion, na tinatayang may halagang P68 milyon.

Naaresto si Camion sa Barangay Guadalupe, habang tatlo pang operasyon ang inilunsad sa Barangay Duljo-Fatima at Barangay Mabolo, kung saan tatlong suspek pa ang nahuli.

Sinabi ni PNP chief Dionardo Carlos na batay sa mga ulat galimg kay PRO-7 regional director Brig. Gen. Roque Eduardo Vega, maaaring magresulta ang mga operasyon sa pagkakasiwalat kung paano nag-ooperate ang illegal drug traders saCebu City at iba pang mga lugar sa Region VII.

“The recovery of a large quantity of drugs from Camion could lead investigators to a major illegal drugs activity in Central Visayas,” ani Carlos.

Samantala, sa Luzon, P2.070 milyon o 300 gramo ng shabu ang nasabat ng undercover police officers na tinangkang bumili ng iligal na droga sa Barangay Salawag, Dasmariñas City sa Cavite.

Ayon sa PNP-PIO, ang suspek na si Alnor Macarampat at mga nakumpiska sa kanyang iligal na droga ay nasa kustodiya na ng Cavite Provincial Police Office’s Drug Enforcement Unit.

“Let me commend again our police and PDEA operatives for the intensified efforts to eradicate the drug menace plaguing Luzon with focus on high-value personalities engaged in trafficking and distribution of illegal drugs,” ani Carlos.

“This is yet another significant accomplishment under the PNP Campaign Plan Double-Barrel Finale Version 2022 also known as Anti-Illegal Drugs Operation through Reinforcement & Education (ADORE),” dagdag niya. RNT/SA