P10B ismagel, pekeng produkto nasabat sa Binondo

P10B ismagel, pekeng produkto nasabat sa Binondo

March 1, 2023 @ 8:10 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P10 bilyon halaga ng iba’t-ibang klase ng mga branded at pekeng produkto ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs BOC sa isinagawang sorpresang pagsalakay sa isang bodega sa Binondo, Maynila.

Ayon sa BOC, bitbit ang Letter of Authority na inisyu ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ay nagsagawa ng inspeksyon ang operatiba sa pangunguna ni Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS- MICP) chief Alvin Enciso sa isang warehouse na matatagpuan sa Sunprime Tower, 5 Juan Luna St., Binondo.

Kabilang sa mga nadiskubreng pekeng produkto ay mga branded na sumbrero, bag, damit, at iba pa.

Ang raiding team, na kinabibilangan din ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) gayundin ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, ay nangangailangan ng proof of payment para sa mga buwis sa lahat ng imported na produkto at proof of authenticity para sa mga branded na produkto.

Nabatid naman kay Enciso na bibigyan nila ng labinlimang araw ang may-ari ng mga nasabing mga branded na produkto na makapagpakita ng mga kaukulang dokumento upang mapatunayan na legal ang mga ito.

Ipasusuri din aniya nila sa brand owners ng mga nasabing produkto kung ang mga ito ay peke o hindi.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para sa iba pang posibleng paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines at Customs Modernization and Tariff Act. JAY Reyes