P10K honorarium sa poll workers imungkahi ng Act Teachers

P10K honorarium sa poll workers imungkahi ng Act Teachers

December 6, 2021 @ 12:15 PM 10 months ago


MANILA, Philippines – Iminumungkahi ng Act Teachers Partylist na madagdagan ang honorarium ng mga guro na magsisilbi sa Halalan 2022.

Ayon kay Act Teachers Partylist Rep. France Castro sa Balitaan sa Maynila, may ibinigay nang P1000 across the board na karagdagan sa honoraria sa mga poll workers pero maliit aniya ito dahil magtatrabaho ang mga volunteers mula alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi sa mismong botohan.

Mungkahi ng mambabatas, dapat ay P10,000 ang honorarium ng mga volunteer BEI (board of election inspectors) para ma-cover na rin aniya ang ilang araw nilang gagawin.

“Biro niyo kapag 6 am, alam nyo po madaling araw palang yan pupunta na yan sa polling precinct nila para sa preparation… after 7pm aabutin na rin siguro yan ng kinabukasan para sa pagsa-submit nila ng kanilang paraphernalias para sa designated Comelec area, so tingin natin dapat madagdagan” giit pa ni Castro.

Aniya, kanila na itong hiniling sa huling hirit nila sa bicameral committee na dagdagan ang honorarium ng mga poll workers na mga guro.

“At least 2 bilyon para madagdagan ang honorarium ng ating mga volunteer poll workers “, pahayag pa ni Castro.

Sa ngayon aniya, sa chairman ng BEI ay P6,000 ang ibinibigay, ang mga miyembro ng BEI ay P5,000 habang ang ibang DepEd staff ay mayroong tumatanggap ng P4,000 o kaya P2,000.

Ito aniya ang kasalukuyang nasa batas kaya gusto nilang taasan at maging uniform ang halagang matatanggap na honorarium ng mga poll workers sa halagang P10 libo dahil pare-pareho naman ang kanilang ginagawa sa panahon ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden