P10K sahod kada araw sa delegado, ilan pang probisyon sa Con-Con aprubado na

P10K sahod kada araw sa delegado, ilan pang probisyon sa Con-Con aprubado na

February 28, 2023 @ 9:13 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng House Constitutional Amendments Committee ang ilang probisyon para sa pagbuo ng hybrid constitutional convention (Con-Con) para sa pag-amyenda ng Saligang Batas kabilang dito ang mga kuwalipikasyon ng mga delegado at ang pagtanggap ng P10,000 kada araw na sweldo.

Sa ilalim ng panukala, ang ConCon ay bubuuin ng 304 delegates, ang mayorya dito ay ihahalal ng publiko habang 20% ay nakareserba para sa qualified sectoral representatives na itatalaga ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Bagamat mayorya ng committee member ang pumabor sa P10,000 kada araw na sweldo ng delegado, agad namang umalma si House Assistant Minority Leader Arlene Brosas.

“Sa accompanying bill, nakasaad na P10,000 ang ibibgay sa kada araw na lalahok ang delegado ng con-con. Halos minimum wage na ito ng isang manggagawa sa isang buong buwan. Sa sumatotal, magkano ang gagastusin dito? Mahirap tanggapin na may P10,000 per diem na ibibigay habang walang pondo sa mga mamamayang nanawagan ng ayuda para sa buong pamilya nila sa gitna ng mataas na presyo at krisis,” pahayag ni Brosas.

Sa pagdinig ng komite na tumagal ng 3 oras ay inaprubahan din na ang eleksyon ng delegasyon ay gagawin sa Oktubre 30, 2023 kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at isa sa bawat delegasyon ay magmumula sa 253 congressional districts habang ang 51 delegates pa ay magmumula sa iba’t ibang sektor na itatalaga naman ng Senate President at Speaker ng House of Representatives.

Ang appointed delegates ay kinabibilangan ng retired members ng judiciary, kinatawan mula sa academe, urban poor, labor sector, persons with disabilities, farmers ay fisherfolk at senior citizens. Gail Mendoza