P10M multa sa may-ari ng barkong magdudulot ng oil spill, isinusulong

P10M multa sa may-ari ng barkong magdudulot ng oil spill, isinusulong

March 9, 2023 @ 8:31 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Isinusulong sa Kamara ang panukalang magpaparusa ng hanggang P10 milyon sa mga may-ari ng barko na mapapatunayang guilty sa pagtatapon ng langis, basura o iba pang nakalalasong bagay sa dagat na sakop ng Pilipinas.

Ito ang inihain ni Negros Occidental Representative Kiko Benitez sa ilalim ng kanyang House Bill 7515.

Kasunod ito ng insidente ng paglubog ng motor tanker sa Naujan, Oriental Mindoro na may kargang 800,000 litro ng langis na kalaunan ay nagdulot ng oil spill.

Layon ng panukala na paigtingin pa ang regulasyon sa ilalim ng 1973 International Convention for the Prevention of Pollution from Ships and its 1978 Protocol, o MARPOL 73/78, na pinirmahan ng Pilipinas noong 2001.

“We signed MARPOL 73/78 in 2001. An implementing legislation is long overdue. We must keep our commitment to international law, and perform our responsibility to protect the environment,” ani Benitez.

“We cannot let another oil spill happen again. Its damage to the marine environment is just too much. It is impossible to express the negative impact to livelihoods and marine ecosystems in monetary terms,” dagdag niya.

Kasabay nito, nais ding bigyan ni Benitez ng kapangyarihan ang Maritime Industry Authority na ipatupad ang mahigpit na shipbuilding standards at magkaroon ng mga kagamitan upang maiwasan ang paglalabas ng langis, basura at iba pang nakalalasong bagay sa dagat ng bansa.

Binibigyang mandato rin ng HB 7515 ang Philippine Coast Guard na manghuli ng mga barko na mga lalabag dito.

“This bill is crucial in protecting our marine wealth and promoting the blue economy to ensure sustainable development of our marine resources for the benefit of present and future generations,” paliwanag pa ni Benitez.

Sa kasalukuyan, sinabi ng mga eksperto na posibleng umabot hanggang Cuyo Island sa Palawan, at marami pang lugar ang kumalat na langis mula sa lumubog na barko. RNT/JGC