P118B nakolekta ng BOC sa ‘fuel marking program’

P118B nakolekta ng BOC sa ‘fuel marking program’

July 11, 2022 @ 10:27 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – DAHIL sa umiiral na “Fuel Marking Program” ng gobyerno, tinatayang nasa P118 bilyon ang nakolektang buwis ng Bureau of Customs (BOC) mula sa minarkahang 9 bilyon na litro ng petrolyo para sa unang semester ng taon 2022.

Sa pamamagitan nito, ang kabuuang markang gasolina, diesel, at kerosene mula Setyembre 2019 hanggang Hunyo 2022 ay 43.65 bilyong litro ay may katumbas ng P432.3 bilyon na buwis.

Nabatid sa BOC, nasa 60.59% ng kabuuang volume ng diesel ang minarkahan, na sinusundan ng gasolina na may 38.9% at kerosene na may 0.51% ng marked volume. Sa lokasyon, 73.88% ng pagmamarka ay nasa Luzon, 20.66% sa Mindanao, at 5.47% sa Visayas.

Alinsunod din sa nasabing programa, nasamsam ng BOC at Bureau if Internal Revenue (BIR) ang kabuuang 111,157.80 liters ng diesel, 3,311 liters ng kerosene, 18,839 liters ng gasolina at nasamsam din ang 2 units ng tank trucks na may dalang unmarked fuel na may kabuuang tinatayang halaga na P14.4 milyon.

Ang mga tangke ng 16 na retail station at 4 na pribadong kumpanya kung saan natagpuan ng BOC ang mga walang markang gasolinang ito ay tinatakan din at inirekomenda para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal.

Ang Fuel Marking Program ay naglalayon na mapataas ang mga kita habang pinipigilan ang “smuggling” o pagpupuslit ng gasolina. Jay Reyes