P11B nasamsam na droga winasak ng NBI

P11B nasamsam na droga winasak ng NBI

June 23, 2022 @ 10:40 AM 7 days ago


MANILA, Philippines – Sinira ng gobyerno ang P11 bilyong halaga ng ilegal na droga na nasabat ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Marso 15, 2022 sa Infanta, Quezon.

Sinabi ni NBI Director Eric B. Distor na sa memorandum na isinumite ng NBI Forensic Chemistry Division (NBI-FCD), ang P11 bilyong kaso ay isa sa mga ebidensyang kasama sa pagsira sa mga mapanganib na droga na iniutos ng Regional Trial Court.

Sinabi rin ni Distor na ang pagsira ng ilegal na droga at sa imbitasyon ng PDEA, anim (6) na tauhan ng NBI-Forensic Chemistry ang dumalo at nasaksihan ang pagsira ng mga nasabat na illegal drugs sa pamamagitan ng utos ng korte sa Integrated Waste Management Inc. (IWMI) sa Trece Martirez, Cavite.

Binigyang-diin ni Distor na sa pagsira sa nasabing mga droga, lumahok ang mga NBI Chemists sa paglalagay ng mga delikadong droga sa loob ng pyrolysis machine habang ang ibang tauhan ng NBI-FCD ay pinayagang kumuha ng litrato at pangasiwaan ang pagsira.

Ang NBI Chemist incharge ay nagsagawa ng imbentaryo at nagtala ng 80 selyadong itim na megabox na tinutumbas na bilang ng mga ebidensya na itinurn-over sa PDEA.

Matatandaang noong Marso 15, 2022, ang mga operatiba ng NBI- Task Force Against Illegal Drugs (TFAID), NBI-Research and Analysis Division (RAD) at Lucena District Office (LUCDO), sa pakikipag-ugnayan sa PNP Infanta, Quezon at PDEA Lucena ay nagsagawa ng interdiction operation sa Barangay Comon, Infanta Quezon na nagresulta sa pagkakasamsam ng P11 bilyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

Ang operasyon ay nagresulta rin sa pagkakaaresto sa sampung (10) mga salarin habang nasa akto ang pagbibiyahe ng mga hinihinalang iligal na droga sakay ng tatlong (3) commuter van.

Ang nasabing operasyon ay itinuturing na pinakamalaking nasabat na droga at hindi pa nagagawa sa kasaysayan ng Pilipinas hanggang sa kasalukuyan. Jocelyn Tabangcura-Domenden