P130M hatid ng dalawang bagong investment sa BARMM

P130M hatid ng dalawang bagong investment sa BARMM

March 1, 2023 @ 5:20 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatanggap ng dalawang bagong investment na nagkakahalaga ng P130 milyon ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), inihayag ng
Bangsamoro Board of Investments (BBOI) nitong Martes, Pebrero 28.

Ayon kay BBOI chair Mohammad Pasigan, ang mga bagong investor ay ang M & R Layer Poultry Farm sa Sultan Mastura town, Maguindanao del Norte, at Timako Seafood Resto sa Cotabato City.

Ang dalawang investment ay kapwa naaprubahan ng grant of incentives mula sa BBOI.

Hinikayat pa ni Pasigan ang mga mamumuhunan na subukan ang BARMM na pawang binubuo ng mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, mga lungsod ng Marawi, Lamitan, and Cotabato, at 63 barangay ng Cotabato province, na kilala bilang Special Geographic Area.

Aniya, ang promotion ay bahagi ng Strategic Investment Priorities Plan (SIPP) ng rehiyon na sakop ang sektor ng agrikultura, pangisdaan, imprastruktura, enerhiya, turismo at halal.

“BBOI will exert more efforts in promoting (the region’s) investment (potentials) by conducting BARMM–wide SIPP consultations and will even go out of its way to attract investors through business coaching and investment facilitation,” pahayag ni Pasigan.

“This is the second approved investment of the BBOI focusing on the halal industry. BARMM is now in the process of developing and promoting halal industries as a mode of achieving equity and justice among our farmers and producers, and increasing employment opportunities for the domestic labor force,” sinabi naman ni Bangsamoro Trade Minister Abu Amri Taddik, ex-officio member ng BBOI.

Noong nakaraang buwan, nakapagrehistro ang BBOI ng tatlong investments na nagkakahalaga ng P475 milyon.

Target naman ng BBOI ang P2.5 bilyon halaga ng kabuuang investments para sa taong 2023. RNT/JGC