P132M puslit na frozen foods nasabat ng Customs

P132M puslit na frozen foods nasabat ng Customs

December 15, 2022 @ 10:02 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahigit P130 milyon halaga ng mga smuggled na “frozen goods” mula sa bansang China ang nabuking ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa tatlong container na dumating kamakailan sa Manila International Container Port (MICP).

Nabatid kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, isinailalim sa 100% physical examination ang tatlong container makaraang makatanggap ng impormasyon ang Customs Intelligence and Investigation Service-MICP (CIIS-MICP) na naglalaman ang mga ito ng mga misdeclared items.

Ayon sa BOC, idineklara ng mga consignee na naglalaman ang mga nasabing kargamento ng frozen prawn balls ngunit sa isinagawang pagsusuri ay natagpuan ng mga ahente ng Customs ang frozen meat, garlic short rib, at smoked duck breast frozen na tinatayang nasa halagang P131,902,500.

Unang hiniling ng CIIS-MICP ang pagpapalabas ng Pre-Lodgement Control Orders (PLCOs) sa mga shipment na ito noong Disyembre 7 para sa hinihinalang paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Nahaharap naman sa kaso ang Victory JM Enterprise OPC dahil sa paglabag sa Sec. 1400 (misdeclaration in goods declaration) na may kaugnayan sa Sec. 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng CMTA.

Inirerekomenda din ng mga tagasuri ang pagpapalabas ng Warrant of Seizure and Detention sa mga nasabing kargamento. JAY Reyes