P13M iligal na droga nakumpiska sa loob ng 7 araw

P13M iligal na droga nakumpiska sa loob ng 7 araw

December 17, 2022 @ 2:30 PM 1 month ago


CEBU- Umabot sa P13 milyon ang halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad sa loob ng isang linggo sa inilunsad na inter-agency task force Cebu, iniulat kaninang umaga.

Sa pahayag ni Brig. Gen. Roderick Alba, hepe ng One-Cebu Inter-Agency Interdiction Task Force Police Regional Office (PRO) 7 (Central Visayas), simula noong Disyembre 9 hanggang 15, nasamsam ng mga operatiba ang 1,918.6 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na P13,046,480 at naaresto ang 119 na indibidwal.

Sinabi ni Alba na ang pagbuo ng One-Cebu Inter-Agency Interdiction Task Force ay para bigyan ng daan ang PNP na iayon ang layunin kontra-droga katuwang si Cebu Governor Gwendolyn Garcia at lalo pa itong palakasin para sa seguridad .

Noong Disyembre 7, nilagdaan ang One-Cebu task force ng pamahalaang panlalawigan, PNP, at Philippine Drug Enforcement Agency, kasama ang mga opisyal ng lokal at pambansang pamahalaan, na naglalayong patuloy na pigilan ang pagpasok at paglaganap ng ilegal na droga sa Central Visayas.

Samantala, sinabi ni Alba na mapayapa ang pagdiriwang ng unang araw ng Misa de Gallo sa Central Visayas noong Biyernes sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan, mga lokal na security team, at mga volunteer group.

Nagpakalat na rin ng 3,339 na pulis upang palakasin ang pagpapatrolya sa iba’t ibang lugar ng convergence sa Central Visayas at matiyak ang kapayapaan at kaayusan.

Inaasahan ng lalawigan ang pagdagsa ng mga turista lokal man o ibayong dagat ang dadayo sa lalawigan at samantalahin ang mahabang Christmas break. Mary Anne Sapico