P13M shabu nasabat sa Malabon

P13M shabu nasabat sa Malabon

November 20, 2021 @ 3:42 PM 1 week ago


Manila, Philippines – Bagsak sa kulungan ang isang bebot na hinihinalang big-time drug pusher matapos makuhanan ng mahigit P13 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek na si Herssie Ogoy, 23, (pusher/newly listed) ng Fatima Street Tulay 14, Brgy. Daang Hari, Navotas City.

Sa report ni Col. Barot kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Jose Hidalgo Jr., ang pagkakaaresto sa suspek ay nag-ugat sa ibinunyag ni Alejandro Blancaflor alyas “Andy”, 46 ng Pag-asa St., Brgy., Muzon na unang naaresto dakong alas-6:20 ng gabi sa Basilio Boulevard, Brgy. Damapalit na ang kanyang source ay isang alyas Herssie nang isailalim siya sa custodial debriefing.

Ayon kay Col. Barot, dakong alas-11 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Alexander Dela Cruz, kasama si P/Major Carlos Cosme ng buy bust operation sa Dalagang Bukid  St., Brgy. Longos kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P50,000 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang knot tied transparent plastic bag ng hinihinalang shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba.

Ani SDEU investigator PSSg Jerry Basungit, nakumpiska sa suspek ang dalawang malaking chinese tea bag at isang knot tied transparent plastic bag na naglalaman ng humigi’t kumulang sa 2 kilos at 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P13,940,000, buy bust money na limang pirasong tunay na P1,000 bills at 45 pirasong boodle money, pulang eco bag at cellphone.

Kasong paglabag sa Section 5 (Selling of Dangerous Drugs) Section 11 (Possession of Dangerous drugs) under Art ll of RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Boysan Buenaventura)