P15.6B halaga ng bakuna vs COVID, nasayang

P15.6B halaga ng bakuna vs COVID, nasayang

November 21, 2022 @ 5:46 PM 7 days ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na bilyon-bilyong halaga ng COVID-19 vaccines ang hindi napakinabangan sa vaccination program ng gobyerno.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, nagkakahalaga ng P15.6 bilyon na mga bakuna o katumbas ng milyong shots ang kabuuang nasayang.

Paliwanag ni Vergeire, sa naturang bilang ay 24 milyong shots ang nag-expire dahil sa maiksing na shelf life nito.

Nasira naman ang pitong milyong dose ng bakuna dahil sa temperatura habang ang iba ay dahil sa nabuksan na pero hindi naman nagamit.

Dagdag pa na 70% ng 31 milyong doses ay ang mga binili ng mga pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan.

Ang vaccine hesitancy ng mga Filipino ay isa rin sa dahilan nang pagka-expire ng mga bakuna nitong huling bahagi ng taon nang bumaba na ang mga kaso ng COVID-19.

Sa tala ng DOH, nitong Nobyembre 17 ay nasa 73.6 milyong Filipino na ang fully vaccinated habang 20.8 milyon ang nakatanggap ng unang booster. Jocelyn Tabangcura-Domenden