P150M pekeng damit, gamit nasabat sa Cavite

P150M pekeng damit, gamit nasabat sa Cavite

December 16, 2022 @ 3:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P150 milyon halaga ng mga pekeng damit, appliances, at general merchandise ang natagpuan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang inspeksyon sa Imus, Cavite.

Armado ng Letter of Authority (LOA) na nilagdaan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, tumuloy ang mga tauhan ng BOC sa Hong Yun Real Estate Group, Inc. sa M. Salud Road, Alapan II-A, Imus, Cavite, para siyasatin ang laman ng bodega.

“The implementation of this operation comes with reinforcement from different departments. It was also made possible by coordination with the police and local barangay officials. This is what it means to work with one goal in mind, which is to put a stop to this menace,” ani Ruiz.

“From top to bottom, we are united in our aim to see our markets free from these contrabands as well smuggled fake products,” dagdag pa ng opisyal.

Katuwang ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at mga barangay official ay pinuntahan nila ang nasabing bodega kung saan nadiskubre nila ang mga ready-to-wear na kasuotan na may mga tatak tulad ng Dickies, Mossimo, Bench, Levi’s, Puma, Fila, Mickey Mouse, Hello Kitty, at iba pa, pati na rin ang mga appliances at general merchandise.

Pagkatapos ng inspeksyon, ang mga nakatalagang customs examiners ay nagsagawa ng imbentaryo ng mga pekeng kagamitan na nadiskubre sa bodega. JAY Reyes