P150M pekeng gamot, test kit, face mask timbog ng BOC sa Maynila

P150M pekeng gamot, test kit, face mask timbog ng BOC sa Maynila

January 24, 2022 @ 11:00 AM 9 months ago


MANILA, Philippines – Nasa P150 milyon halaga ng iba’t-ibang pekeng produkto na kinabibilangan ng antigen test kits, gamot, facemask at mga branded na kagamitan ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa BOC, sinalakay nila ang isang bodega sa nasabing lungsod upang magsagawa ng inspeksyon kung saan nadiskubre nila ang kahon-lahon na mga pekeng Clungene COVID-19 antigen test kits, mga Chinese herbal medicine na LianHua, gayundin ang mga pekeng 3M N95 face mask.

Bukod dito, nadiskubre din nila ang mga pekeng mga branded na produkto tulad ng Nike, Fila, Converse, Adidas, Louis Vuitton at Gucci bags, wallets, phone accessories, atbp.

Sa isinagawang operasyon ay naaresto din ng mga awtoridad ang isang Chinese national na may-ari umano ng sinalakay na bodega.

Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) Alvin Enciso, na mahaharap sa kaukulang kaso ang may-ari ng nasbaing bodega. Hindi din aniya ito ang unang pagkakataon na nag-ooperate ng iligal na gawain ang grupo nito sa nasasakupan nitong lugar.

“Ang aming trabaho dito ay upang matiyak na ang mga ito ay hindi makapasok sa mga lokal na merkado, at upang ihinto ang anumang hinaharap na pagtatangka sa pagbebenta ng mga pekeng produkto sa ating mga kababayan,” ani Enciso.

“The arrested suspect is facing cases of violation of Section 1401 (Unlawful Importation/Exportation) of the Customs Modernization and Tariff Act and violation of Food and Drug Administration (FDA) rules and regulations,” saad naman ng BOC. JAY Reyes