P15B matitipid sa 4Ps cleansing-Malakanyang

P15B matitipid sa 4Ps cleansing-Malakanyang

July 20, 2022 @ 11:27 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na P15 bilyong piso ang abswelto na magalaw mula sa cash doles program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito’y matapos matuklasan na 1.3 milyong benepisaryo ang hindi na kinokonsiderang mahirap ngayon.

Subalit, gagamitin naman ito sa mga bagong kuwalipikadong benepisaryo ng 4Ps.

Ang pahayag na ito ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ay kasunod ng naging report ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo sa Cabinet meeting sa Malakanyang, araw ng Martes.

Aniya, kasalukuyan ngayong nasa proseso ng pagba-validate ang DSWD sa listahan ng 1.3 milyong Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries na hindi na kuwalipikado na makatanggap ng cash aid o ayuda dahil bumuti na ang buhay ng mga ito.

“Of note is Sec. Erwin Tulfo’s declaration that in the Pantawid Pamilyang Pilipino program, at least 1.3 million beneficiaries out of 4.4 million are no longer considered ‘poor’ as a qualification for the 4Ps benefits,” ayon kay Cruz-Angeles.

“This frees up P15B for other qualified persons to replace them and now be included in the 4Ps program,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Tulfo na hindi pa pinal ang bilang ng mga benepisaryo na maaalis sa listahan dahil maaari pa aniya itong tumaas at madagdagan.

Aniya, 600,000 ang kasalukuyan ngayong kinakapanayam ng departamento

Hinggil naman sa P15 bilyon na maaaring ibigay sa ibang kuwalipikadong benepisaryo, sinabi ni Tulfo na ang naturang halaga ay maaaring tumaas din.

At sa tanong naman kung ano ang reaksyon ng Pangulo sa ginagawang ‘delisting’ ng DSWD, sinabi ni Tulfo na nagulat si Pangulong Marcos subalit suportado ng hakbang ng departamento.

“It was his marching order to clean the 4Ps list kasi nakakarating na ho sa kanya eh, na may mga sumbong na rin ho sa kanya, at saka nababasa niya ho sa social media because the President is also active sa social media,” aniya pa rin. Kris Jose