P15K direct subsidy sa mga magsasaka hirit ng grupo

P15K direct subsidy sa mga magsasaka hirit ng grupo

April 30, 2022 @ 11:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan ang rice watch group na “Bantay Bigas” sa pamahalaan na magbigay ng direct subsidies sa rice farmers upang tulungan sila sa pagtaas ng palay-production cost.

“Nanawagan tayo ng at least 15,000 pesos na direct subsidy mula sa pamahalaan para sa mga magsasaka para ma-cover ‘yung cost of fertilizer na ginagamit ng mga magsasaka,” apela ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo nitong Sabado.

Ayon kay Estavillo, hindi sapat ang P10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa ilalim ng Rice Tariffication Law upang tulungan ang mga nagsasaka ng palay.

Ang RCEF ay binubuo ng mga sumusunod:

  • P5 bilyon kada taon para sa rice farm machinery at equipment;

  • P3 bilyon para sa rice seed propagation;

  • P1 bilyong credit line para sa rice farmers; at

  • P1 bilyon para sa extension services

Bukod dito, inaprubahan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P5,000 financial assistance sa mga nagsasaka ng dalawang ektaryang lupa pababa.

Subalit sinabi ni Estavillo na sa kabila ng mataas na production cost, ipinagbebenta ng rice farmers ang kanilang ani sa mas mababang halaga dahil sa pagdami ng imported rice.

Bukod dito, sinisi rin ang pagtaas sa presyo ng petrolyo sa pagtaas sa presyo ng bigas.

Kaya naman hinikayat ng grupo ang pamahalaan na tanggalin na ang koleksyon ng excise taxes sa langis at magpatupad ng price cap sa basic commodities upang makontrol ang pagmahal ng bigas. RNT/SA