P16.5M livelihood assistance laan sa NegOr conflict-areas

P16.5M livelihood assistance laan sa NegOr conflict-areas

October 22, 2022 @ 3:35 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ibinigay na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P16.5-milyon halaga ng livelihood assistance sa 1,141 benepisyaryo mula sa mga conflict-vulnerable at conflict-areas sa Negros Oriental.

Ang mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ay tinukoy sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) at ang Executive Order (EO) 70 na naglalayon ng whole-of-nation approach upang wakasan ang komunismo at magpakalat ng kapayapaan.

Sa ilalim ng PAMANA,, 853 katao mula sa 40 conflict areas sa Guihulngan City, Pamplona, Sibulan, Sta. Catalina, Siaton, at Zamboanguita ang nabigyan ng kabuuang tulong na aabot sa P12 milyon.

Siniguro naman ni DSWD Undersecretary Alan Tanjusay kasabay ng pagbibigay ng nasabing tulong nitong Biyernes, Oktubre 22 na magpapatuloy ang suporta at tulong ng ahensya.

“Sa ilalim ng inyong gabay, nabigyang daan ang Negros Oriental upang makatatag ng pangkabuhayan sa mga SLP association ng inyong mamamayan,” sinabi ni Tanjusay sa kanyang speech.

Ang mga beneficiary areas ay kabilang sa mga tinukoy ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict bilang mga lugar na dati ay apektado ng mga rebeldeng grupo. RNT/JGC